Tuesday, February 23, 2016

POEROXTERTIAGONAY: LIMANG NAIS MAGING IKA-LABING-ANIM


 “Kīma tīdû ebūrum ina kīma inanna mannum mannam i-pa-al (Kung sino ang makakakumbinsi sa taumbayan at mapangangatawanan ang sinasabing pag-puno sa kakulangan ng kasalukuyan at nakaraan ay sya ngang makakakuha ng pagsang-ayon bilang pinuno ng mamamayan at sya rin namang magbabayad at sisingilin sa kanyang mga sinalita pagkaraan).” – Kawikaan sa Imperyo ng Akkadia

Tatlo hanggang anim na buwan lamang lilipulin ni Digong ang lahat ng kriminal at korap sa buong bansa, e masaker ‘yan, baka kalahati ng buong populasyon madale nya. Para kay Miriam kailangan mataas ang mga nakuhang marka sa academic record ng ihahalal, dahil hindi umano para sa mga bopol ang pagiging pangulo ng bansa. Para kay Roxas, kailangan na kung ano ang naranasan niyang rangya ay ganyan din ang ipararanas niya sa taumbayan. Sang-ayon naman kay Binay, gagawin nyang Makati ang buong bansa kung saan ang serbisyo ng pamahalaan ay lasap ng lahat. Para naman kay Poe ibibigay niya ang isang pamahalaang may puso sa taumbayan.

Ang sabi ni Mang Kanor na tindero ng gulaman, “Sa totoo lang wala akong maiboto e, walang mapili.” Para kay Aling Bebang na naglalako ng kalamay, “Nangku e puro pangako lang mga iyan.” Para kay Mang Kosme na taga-baklas ng bakal ng mga tulay kapag tulog na ang mga pulis, “Kahit sino ang ilagay ninyo diyan magnanakaw at magnanakaw kung hindi man sila ay mga bataan nila.” Ayong naman kay pareng George na dyipni drayber, “Kaya ako’y hindi na muna boboto wala din namang kwenta ang mga tumatakbo.” Para kay Mang Isong na retiradong sundalo, “Mas maganda diyan ay isang rebolusyon, ubusin na lahat ng mga manloloko sa taumbayan at palitan ang buong gobyerno.” Easy, easy boss Isong.

Sa totoo lang, napakaganda nang ganyang may pag-dedebate ang mga tumatakbong pagka-pangulo, nalalaman natin ang laman ng mga “coconut” nila. Kung papaloko tayo e bahala tayo. Ganyan talaga ang demokrasya, kung bobo o magnanakaw ang ihalal ng taumbayan e wala tayong magagawa kundi sundin ang dikta ng balota.

Napansin ko na sa mga nagsalitang presidentiable, e tanging si Binay lamang ang consistent ang eye contact na ang tingin ay nakatuon sa mga host ng Siyete na sina Mike Enriquez at Jessica Soho at moderator nitong si John Neri. Si Duterte ay tumitingin sa mga host habang nagsasalita ngunit tumitingin din sa studio audience. Si Poe ay sa audience tumitingin, sa isang marahil ay kakilala at sa notes na nasa kanyang harapan. Si Miriam naman ay sa audience nakatuon ang tingin. Samantalang si Roxas ay hindi alam kung saan nakatingin.

Importante itong behavior ng mga mata ng mga kandidato. Sa pamamagitan ng mga mata o pagtingin ng mga kandidato, mababanaag mo kamasa kung determinado ba, nakapaghanda ba, sinsero ba, nagsisinungaling ba o sadyang wala lang alam ang isang kandidato.

Sa mga susunod na debate, bukod sa mga salita, ay atin pong bantayan ang galaw ng mga mata ng ating mga presidentiable, at habang papalapit na nang palapit ang halalan e huwag na pong kukurap, at baka sa kangkungan na naman pupulutin ang taumbayan. 

No comments:

Post a Comment