Thursday, February 18, 2016

PILIPINAS TUWID ANG KORAPSYON



“Pi-el-pi-li gamu-ra-ab-Sid (Bibigkasin ko ang kahihiyan mo).” – Kawikaan sa Mesopotomia (Mula 5,500 hanggang 1,750 BC)

Mismong ang Office of the Ombudsman na ang nagsalita na sandamakmak ang korapsyon at mga korap sa buong burukrasya ng Pilipinas. Ang paghahayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay matapos naman ding ibulgar ng Transparency International na bumagsak ang Pilipinas ng mas malala sa ika-95 mula ika-85 na korap na bansa sa buong daigdig.

Ang resultang ito ay sa gitna ng mantra ng administrasyon na “tuwid na daan” na mas popular ngayong “tuwad na daan.”

Matatapos na ang anim na taong termino ni Ginoong Noynoy ngunit mas naging korap pa ang naging pangkalahatang tingin ngayon ng taumbayan sa pamahalaan. Naging ordinaryo na ang bilyon-bilyong pisong nakawan sa gobyerno at tanggap na ang kagarapalan ng mga namumuno at mga kasabwat dito.

Nung panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang “order of the day” ay magnakaw ngunit responsibilidad mong ipagtanggol ang sarili mo at ang ahensyang pinagnakawan, ngayon animo ang “order of the day” ay magnakaw at bahala na ang pangulong magtanggol sa iyo at sa ahensiyang pinagnakawan.

Ang reyalidad ng mga Pilipino ngayon ay ang mga nakaupo sa pamahalaan ang syang may karapatang magnakaw at magpayaman mula sa kaban ng taumbayan samantalang ang mahihirap na mamamayan naman ay nararapat magdusa dahil kinagisnan na silang mahihirap.

Ang reyalidad sa Pilipinas ngayon ay hayaan nating yumaman ang mga nakaupo sa pwesto sa gobyerno dahil sila ang nakaluklok, at kung nais ninuman na umasenso din ay dumikit sa mga nasa poder sa pamahalaan.

Samantalang ang tunay na esensya ng demokrasya ay ang taumbayan ang dapat na nakapangyayari at ang lahat ng yaman ng bansa ay para sa taumbayan, ngunit taliwas dito ang nangyayari.

Ang ating lipunan ay salungat sa sintido kumon, dito ang nagnakaw ng kaunti ay minamaliit, pawang mga busabos, ngunit ang nagnakaw ng malaki ay iginagalang, hinahangaan at ginagawa pang modelo.

Dito sa ating bansa, isang pribileheyo para sa mga naluluklok sa pwesto ang magnakaw sa kaban ng bayan o ang gamitin ang impluwensya ng kani-kanilang pusisyon upang kumita para sa pangsarili.

Anupa’t ipinilit ang mga signal light sa Metro Manila samantalang epektibo naman ang mga U-turn slot na matagal pinag-aralan at inimplementa nung panahon ni Bayani Fernando sa MMDA. Lahat ng bidding sa Pilipinas ay may kulay ng korapsyon, nilalahat ko na po mga kamasa, huwag na tayong magpaka-ipokrito.

Walang bidding sa pamahalaan na walang kumitang nakaupo sa gobyerno. Ang mga kalye at drainage system sa Metro Manila, maging sa mga lalawigan ay pawang mga over-priced. Lahat po mga kamasa. Kaya over-priced dahil nakapalaman sa presyo ang porsyento ng mga nakaupo. May porsyento ang Technical Working Group, ang Bids and Awards Committee, ang representante ng COA, si mayor, ang sanggunian, si congressman at si gobernador. ‘Yung mga daanang milyunang piso ang pinag-uusapan ay mayroon na diyan si secretary, ang DBM at maaaring pati ang mismong pangulo.


Ngayon naglalabasan ang mga pondo ng pamahalaan dahil nalalapit na ang election ban para sa mga proyektong pampubliko. Kahit pa magbantay ang taumbayan, lalabas at lalabas ang mga pondong ‘yan at pupunta at pupunta sa mga bulsa ng mga nabanggit at wala po tayong magagawa kundi ang galangin sila, kabiliban at gawing modelo. Ganyan po ang reyalidad sa ating bansa. E ‘di wow.


Image credit: The Philippine Star
Sourced from: Google Search

No comments:

Post a Comment