Tuesday, August 9, 2016

KORAPSYON SA DEP-ED TUTUKAN


Napapabalitang tuloy-tuloy pa din ang nakagawian at nakasanayan nang gawain ng ilang mga kawani at opisyal sa Department of Education.

Ang tinutukoy po natin ay ang karaniwan nang korapsyon sa Dep-Ed na umaabot ng bilyon-bilyong piso.

Nasa higit P16 bilyon ang inaasahang makukulimbat ng mga umano’y sindikato sa Dep-Ed. Ito ay 20% ng budget para sa mga naka-programang mga proyekto at supplies ng departamento para sa taong ito. Taon-taon ay napapabalitang isa ang Dep-Ed sa pinaka-korap na ahensiya sa buong burukrasya ng pamahalaan.

Higit sa P86 bilyon ang mapaglalaruan ng sindikato sa Dep-ED na maaaring lutuin at mapapunta sa mga pinapaboran nitong supplier o kontratista kapalit ang 20% na SOP.

P435.9 bilyon ang budget ng Dep-ED ngayong kasalukuyang taon at sa kabuuang pondong iyan, nanganganib ang 20% ng P82.3 bilyon na nakalaan para sa konstruksyon ng may 47,553 na mga classroom at technical-vocational laboratories. Nanganganib din ang 20% ng P4.2 bilyon naman para sa pag-imprenta ng 103.2 milyon na mga textbook.

Karaniwang kasabwat ang Bids and Awards Committee at ang resident COA auditor sa mga palusot na ito sa Dep-Ed. Kaawa-awa naman ang mga estudyante at mga guro na syang direktang tinatamaan ng multi-bilyong pisong korapsyon sa Dep-Ed.



- 30 -

Sunday, August 7, 2016

DIGONG NAGAGAMIT SA KORAPSYON SA DEP-ED

Mukhang patuloy pa din ang korapsyon sa Department of Education. Tuloy-tuloy pa din ang ligaya ng mga korap na opisyal nito sa kabila ng liderato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na muhing-muhi sa korapsyon.

Katulad ng shabu, isang epidemya ding maituturing ang korapsyon sa burukrasya. Adik na ang maraming kawani at opisyal ng pamahalaan sa korapsyon, parang adiksyon lamang sa shabu.

Isang A1 na impormasyon ang ating natanggap na nasa 20% ang hatagan ngayon sa Dep-Ed. P20 milyon kada P100 milyon na proyekto, P100 milyon kada P500 milyon na proyekto at P200 milyon kada P1 bilyon na proyekto.

Ayon sa aking source, ang 20% ay napupunta sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC), representante ng Commission on Audit, sa mga undersecretary ng departamento, kalihim ng departamento at bahagi umano ay papuntang Palasyo.

Sa ganang akin, ang tingin ko ay nagagamit lamang ang pangalan ng ating pangulo upang maipagpatuloy ng mga korap na opisyal at mga kawani ng Dep-Ed ang kanilang masamang bisyo.

Napakalaking salapi napupunta lamang sa iilan na kung ariin ang Dep-Ed ay kanilang kaharian at gatasan.

Napakayayaman na ng mga taong ‘yan sa Dep-Ed “at the expense” ng ating mga mag-aaral at mga guro sa buong bansa.

May isang proyekto diyan sa Dep-Ed na taong 2012 pa nabigyan ng budget ngunit magpasa-hanggang ngayon ay hindi pa nai-implement dahil puros pangingikil lamang sa mga sumasali sa bidding ang pinaggagagawa ng mga opisyal nito.

Matagal na sana na-computerize ang mga pampublikong paaralan ngunit dahil sa matindi at malalim na korapsyon sa Dep-Ed ay taon-taon na lamang nabibinbin ang proyekto. Taong 2016 na po mga kamasa ngunit hindi pa din nagagamit at nai-implementa ang E-Classroom Project ng Dep-Ed.

May nanalo na sa kanilang bidding noon na nakuhanan ng mga “fixer” sa Dep-Ed ng P90 milyon, ngunit dahil may iba pang supplier na pinapaboran ang mga may kontrol sa proyekto, na-teknikal ang nanalong bidder kaya’t hindi pa din niya nakuha ang proyekto samantalang P90 milyon na ang kanyang inilabas na pang-bribe sa mga fixer at ilang opisyal ng departamento.

Ngayon nga ay may mga bagong bidding na sa Dep-Ed at ang kalakaran na ay 20% na SOP at ginagamit pa ang pangalan ng kalihim at pangulo ng bansa.

Panahon nang tagpasin ang mga ito mula sa departamento at bunutin ang mga ugat ng korapsyon sa Dep-Ed na matagal nang nagpapahirap sa mga mag-aaral at mga guro.

- 30 -



Thursday, July 28, 2016

Bt TALONG KWESTYONABLE PA DIN SA KALUSUGAN



Sa gitna ng desisyon ng Korte Suprema sa pagbaliktad nito sa naunang pag-apirma ng Court of Appeals na nagbabawal sa field testing ng Bt Talong o isang produkto na genetically modified organism (GMO), mariing sinabi ng korte na ni-reverse lamang nito ang ruling dahil moot and academic na ngayon sa panahong natapos na ang field testing ng Bt Talong sa Pilipinas kaya wala na itong pagbabawalan pa, dahil tapos na nga.

Maliwanag, ni-reverse ng Korte Suprema ang desisyon nito dahil sa teknikalidad at hindi nito sinasabi na safe nga ito para sa mga magsasaka, mga mamimili at sa lupang pagtatamnan.

Ayon sa grupong Greenpeace naka-ban ang Bt Talong sa maraming bansa dahil sa hinihinalang lason na dulot nito sa mga sakahan, magsasaka at sa mga makakakain nito.

Sa pag-aaral ng mga syentipiko ng Greenpeace, nakalilikha ang Bt Talong ng mga damong hindi napupuksa na makasisira ng permanente sa mga sakahan sa buong bansa. Maaari rin itong makamatay ng mga tao. Ayon sa kanilang mga eksperto, tinitira ng Bt Talong ang liver at kidney ng kakain nito.

Ang United States Food and Drugs Administration mismo ay nagsimula nang isama sa watchlist ang mga gulay na nagamitan ng teknolohiya ng parehong kumpanya na lumikha sa Bt Talong. Nadiskubre ng FDA na napakataas ng toxicity ng mga gulay na apektado ng teknolohiya ng kumpanya na ang inaalam na lamang ng FDA ay kung ano persentahe ang hindi kaagad makamamatay ng tao.

Ang Bt Talong ay hindi nilalapitan ng mga insektong karaniwang kumakain at sumisira sa mga pananim na talong. Ayon sa isang eksperto na nakapanayam ng inyong lingkod, ang dahilan nito ay sa pamamagitan ng GMO technology na ginamit sa pag-produce ng produktong ito, pinapaniwala ng Bt Talong ang mga insekto na hindi ito isang gulay, na isang itong karne kaya nilalayuan ito ng mga insekto na ang hanap nga ay gulay na talong.

Ang tanong ng ekspertong aking nakapanayam, kung ang tingin ng mga insekto sa Bt Talong ay hindi isang gulay, ano naman kaya ang tingin ng mga cells sa katawan ng tao na nakakain ng Bt Talong?

Hinihinalang bukod sa liver at kidney na tatamaan ng Bt Talong, maaari ding ito ay makalikha ng epidemya ng cancer sa bansa.

Sana ay tingnan itong maigi ni Department of Agriculture Sec. Manny Pinol dahil sa oras na maging full-blast ang pagbaha ng Bt Talong sa merkado ay maaaring maging irreversible ang epekto nito sa ating mga kababayan lalong-lalo na sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Kung ano man ang nasa Bt Talong at epekto nito sa katawan ng tao, magiging parte na ito ng sistema ng katawan ng mga Pilipino, at ito ang lubhang nakapangangamba.

Masarap naman at mura ang talong na mga pananim ng ating mga magsasaka ngayon, huwag naman sana nating pag-eksperimentuhan at isugal ang kalusugan at kinabukasan ng ating bansa kapalit lamang ang pagyaman ng mga nasa likod nito.


- 30 -

Thursday, July 14, 2016

PINAS NILALAMON NG SALIM GROUP

                                                                         
                                                                       Salim


                                                                       
                                                                           Pangilinan


MATAGAL ko nang naririnig ang pangalan ni Manny V. Pangilinan, ngunit napagtuunan ko lamang ng pansin matapos syang ma-insulto umano ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang puppet ng isang banyaga.

“Just remember, you are only a puppet of the foreign-based Salim Group, while I am the elected president of the Republic of the Philippines,” pahayag umano ni Duterte kay Pangilinan.

Sino ang pinatutungkulan ni Pangulong Duterte na nagngangalang Salim na amo umano ni Pangilinan o MVP? Sa ating pananaliksik, napag-alaman kong ang tinutukoy ng pangulo ay si Anthoni Salim, ang ikatlo sa pinakamayamang tao sa bansang Indonesia. Isang multi-billionaire, ngunit nakapagtataka na ang pinakamalaking parte ng kanyang kayamanan ay nanggagaling sa bansang Pilipinas.

Ang net worth ni Salim ay nasa $5.4 bilyon, ayon sa Forbes magazine. Paanong mangyayaring nagmumula sa Pilipinas ang yaman ni Salim samantalang isa syang banyaga?

Napag-alaman ng inyong lingkod na siya ang chairman ng First Pacific Company Limited kung saan ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan, o MVP, ay nagsisilbing managing director at CEO nito kung saan mayroon lamang itong 1% na share.

Ang mga negosyong pag-mamay-ari o may malalaki o controlling shares ang First Pacific sa bansa ay ang Meralco, 49.6%; PLDT, 26%; Smart at Sun; Philex Mining Corp., 47%; Metro Pacific Investments, 52%; Maynilad, 52.8%; NLEX, 75.6%; Cavitex, 100%; Cardinal Santos, Makati Medical Center at Asian Medical Center; Philippine Daily Inquirer, Philippine Star at Business World; TV5; Cignal TV; at marami pang iba.

Mula taong 2000 hanggang 2014, may deklaradong kita si Salim na $2.7 bilyon mula sa Pilipinas at $2.2 bilyon nito ay mula sa PLDT, samantalang ang kinita niya mula sa sariling bansang Indonesia ay $1.4 bilyon, na hindi hamak na mas mababa sa kinikita niya sa PIlipinas. Ayon sa mga ulat, nasa $200 milyon ang lumalabas sa bansa papunta kay Salim bawat taon, samantalang ang ibang salaping ipinangtutustos nito sa kanyang operasyon sa bansa ay inuutang lamang niya sa mga bangko ng gobyerno katulad ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines. Gisado sa sariling mantika ang mga Pilipino, ika nga.

Lumalabas na palamuti lamang ang MVP Group of Companies dahil mismong nasa ilalim ni Salim ang control sa mga ito sa pamamagitan ni Ginoong Pangilinan. Si dating Department of Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario pala ay share-holder din sa Salim Group. Mayroon syang 11.4 milyon na share sa Metro Pacific at nagsilbi din bilang board director sa First Pacific at opisyal sa ilang mga kumpanyang pagmamay-ari ni Salim sa Pilipinas at Indonesia bago pa man ma-appoint si Del Rosario bilang kalihim, samantalang si Pangilinan naman ay mahigit nang 30 taong naninilbihan kay Salim.

Ang sweldo ni Pangilinan mula sa First Pacific ay P1 milyon kada araw, bukod pa ito sa mga sweldo niya at allowance sa may 40 kumpanya ni Salim sa Pilipinas.


Nakakaaliw panoorin kung papaano paglaruan ang Pilipinas sa pamamagitan ng salapi, para lamang isang board game na kung tawagin ay “Monopoly.”

Tuesday, April 19, 2016

NANG PINAKAIN NG MGA BALA ANG MGA HUMINGI NG PAGKAIN

Muli ay naging saksi ang bansa sa bangis ng mga bala. Ilang mga magsasaka sa Lalawigan ng Cotabato ang nagpoprotesta para mai-release lamang ang calamity fund na ipinangako sa kanila ng pamahalaan dahil sa ilang buwang tagtuyot sa lalwigan, ngunit imbes na maipa-release ang pondo para may makain ang mga pamilya ng mga magsasaka, pinaulanan sila ng mga nagbabagang bala.

Sino ba naman ang gustong manghingi? Wala po, dahil nakakababa ng dignidad ang panghihingi. Ngunit may kalamidad po at mismong ang pamahalaan na ang nagdeklara na may kalamidad nga sa Cotabato, at kasunod ng deklarasyon na iyon ay inaasahan na ang tulong mula sa pamahalaan. Ngunit hindi dumarating ang tulong, hindi isang araw, hindi isang linggong paghihintay, hindi isang buwang paghihintay, kundi tatlong buwan na po. Kung ano ang ipinakain ng mga magsasaka sa kanilang mga pamilya sa loob ng tatlong buwan ay isang palaisipan na.

Sino ba naman sa atin ang matitiis ang sariling pamilya na magutom? Wala po, kaya naman nagsama-sama ang mga magsasaka at idiniin na kailangan na nila ang tulong mula sa pamahalaan, ng sarili nilang pamahalaan na sila naman ang may gawa para sa kanila, ngunit imbes na ang hinihinging pagkain at pondo ang dumating, ang rumagasa po ay mga bala. Imbes na tuwa po ang bumaha, ang bumaha po ay dugo ng mga magsasaka.

Nang ang Panginoong si Hesus ay napako sa krus noon sa Kalbaryo, Siya ay humingi ng tubig, ngunit suka po ang ibinigay sa Kanya. Kaya nauunawaan ng Panginoon ang dinaranas ng mga magsasakang iyon na pinaulanan ng bala imbis na tinapay na sila naman mismo din ang nagbigay sa pamahalaan upang ibalik sa kanila sa oras ng pangangailangan katulad nga nitong panahon ng tagtuyot sa Cotabato.

Hindi nalalaman ng mga pulis na iyon ang kanilang ginagawa nang pagbabarilin nila ang mga magsasaka. Hindi nila nakilala na ang mga magsasakang iyon ang syang nagpapasweldo sa kanila at nagpapakain sa kanilang mga pamilya.

Marahil ganun nga kalupit ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino, marahil ganun kalupit ang maging mahirap na Pilipino. Pagkain ang hinihingi mo ngunit bala ang isinukli sa iyo.

Dalawa ang namatay sa mga magsasaka at kung ilang dosena ang nasugatan ng mga punglo mula sa mga pulis na sila ang nagpapasweldo.

Kung kalian mawawala ang kagutuman sa PIlipinas ay hindi natin alam. Kung kalian magiging mabuti ang Pilipino sa kapwa Pilipino ay hindi natin alam. Kung kalian tunay na maiaangat ang mga buhay ng mga mahihirap na mga Pilipino ng pamahalaang nilikha nila para sa kanila ay hindi natin alam.

Ang sinabi ng Panginoon noon, “Bigyan ang humihingi.”

Walang gustong humingi, kaya humingi ay dahil matindi ang pangangailangan, itinulak lamang sila ng pangangailangan at pagkakataon kung kaya’t nanghihingi.