Muli ay naging saksi ang bansa sa bangis ng mga bala. Ilang
mga magsasaka sa Lalawigan ng Cotabato ang nagpoprotesta para mai-release
lamang ang calamity fund na ipinangako sa kanila ng pamahalaan dahil sa ilang
buwang tagtuyot sa lalwigan, ngunit imbes na maipa-release ang pondo para may
makain ang mga pamilya ng mga magsasaka, pinaulanan sila ng mga nagbabagang
bala.
Sino ba naman ang gustong manghingi? Wala po, dahil nakakababa
ng dignidad ang panghihingi. Ngunit may kalamidad po at mismong ang pamahalaan
na ang nagdeklara na may kalamidad nga sa Cotabato, at kasunod ng deklarasyon
na iyon ay inaasahan na ang tulong mula sa pamahalaan. Ngunit hindi dumarating
ang tulong, hindi isang araw, hindi isang linggong paghihintay, hindi isang
buwang paghihintay, kundi tatlong buwan na po. Kung ano ang ipinakain ng mga
magsasaka sa kanilang mga pamilya sa loob ng tatlong buwan ay isang palaisipan
na.
Sino ba naman sa atin ang matitiis ang sariling pamilya na
magutom? Wala po, kaya naman nagsama-sama ang mga magsasaka at idiniin na
kailangan na nila ang tulong mula sa pamahalaan, ng sarili nilang pamahalaan na
sila naman ang may gawa para sa kanila, ngunit imbes na ang hinihinging pagkain
at pondo ang dumating, ang rumagasa po ay mga bala. Imbes na tuwa po ang
bumaha, ang bumaha po ay dugo ng mga magsasaka.
Nang ang Panginoong si Hesus ay napako sa krus noon sa
Kalbaryo, Siya ay humingi ng tubig, ngunit suka po ang ibinigay sa Kanya. Kaya
nauunawaan ng Panginoon ang dinaranas ng mga magsasakang iyon na pinaulanan ng
bala imbis na tinapay na sila naman mismo din ang nagbigay sa pamahalaan upang
ibalik sa kanila sa oras ng pangangailangan katulad nga nitong panahon ng
tagtuyot sa Cotabato.
Hindi nalalaman ng mga pulis na iyon ang kanilang ginagawa
nang pagbabarilin nila ang mga magsasaka. Hindi nila nakilala na ang mga
magsasakang iyon ang syang nagpapasweldo sa kanila at nagpapakain sa kanilang
mga pamilya.
Marahil ganun nga kalupit ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino,
marahil ganun kalupit ang maging mahirap na Pilipino. Pagkain ang hinihingi mo
ngunit bala ang isinukli sa iyo.
Dalawa ang namatay sa mga magsasaka at kung ilang dosena ang
nasugatan ng mga punglo mula sa mga pulis na sila ang nagpapasweldo.
Kung kalian mawawala ang kagutuman sa PIlipinas ay hindi
natin alam. Kung kalian magiging mabuti ang Pilipino sa kapwa Pilipino ay hindi
natin alam. Kung kalian tunay na maiaangat ang mga buhay ng mga mahihirap na
mga Pilipino ng pamahalaang nilikha nila para sa kanila ay hindi natin alam.
Ang sinabi ng Panginoon noon, “Bigyan ang humihingi.”
Walang gustong humingi, kaya humingi ay dahil matindi ang
pangangailangan, itinulak lamang sila ng pangangailangan at pagkakataon kung
kaya’t nanghihingi.
No comments:
Post a Comment