Mukhang patuloy pa din ang korapsyon sa Department of
Education. Tuloy-tuloy pa din ang ligaya ng mga korap na opisyal nito sa kabila
ng liderato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na muhing-muhi sa korapsyon.
Katulad ng shabu, isang epidemya ding maituturing ang
korapsyon sa burukrasya. Adik na ang maraming kawani at opisyal ng pamahalaan
sa korapsyon, parang adiksyon lamang sa shabu.
Isang A1 na impormasyon ang ating natanggap na nasa 20% ang
hatagan ngayon sa Dep-Ed. P20 milyon kada P100 milyon na proyekto, P100 milyon
kada P500 milyon na proyekto at P200 milyon kada P1 bilyon na proyekto.
Ayon sa aking source, ang 20% ay napupunta sa mga miyembro
ng Bids and Awards Committee (BAC), representante ng Commission on Audit, sa
mga undersecretary ng departamento, kalihim ng departamento at bahagi umano ay
papuntang Palasyo.
Sa ganang akin, ang tingin ko ay nagagamit lamang ang
pangalan ng ating pangulo upang maipagpatuloy ng mga korap na opisyal at mga
kawani ng Dep-Ed ang kanilang masamang bisyo.
Napakalaking salapi napupunta lamang sa iilan na kung ariin
ang Dep-Ed ay kanilang kaharian at gatasan.
Napakayayaman na ng mga taong ‘yan sa Dep-Ed “at the
expense” ng ating mga mag-aaral at mga guro sa buong bansa.
May isang proyekto diyan sa Dep-Ed na taong 2012 pa nabigyan
ng budget ngunit magpasa-hanggang ngayon ay hindi pa nai-implement dahil puros
pangingikil lamang sa mga sumasali sa bidding ang pinaggagagawa ng mga opisyal
nito.
Matagal na sana na-computerize ang mga pampublikong paaralan
ngunit dahil sa matindi at malalim na korapsyon sa Dep-Ed ay taon-taon na
lamang nabibinbin ang proyekto. Taong 2016 na po mga kamasa ngunit hindi pa din
nagagamit at nai-implementa ang E-Classroom Project ng Dep-Ed.
May nanalo na sa kanilang bidding noon na nakuhanan ng mga
“fixer” sa Dep-Ed ng P90 milyon, ngunit dahil may iba pang supplier na
pinapaboran ang mga may kontrol sa proyekto, na-teknikal ang nanalong bidder
kaya’t hindi pa din niya nakuha ang proyekto samantalang P90 milyon na ang
kanyang inilabas na pang-bribe sa mga fixer at ilang opisyal ng departamento.
Ngayon nga ay may mga bagong bidding na sa Dep-Ed at ang
kalakaran na ay 20% na SOP at ginagamit pa ang pangalan ng kalihim at pangulo
ng bansa.
Panahon nang tagpasin ang mga ito mula sa departamento at
bunutin ang mga ugat ng korapsyon sa Dep-Ed na matagal nang nagpapahirap sa mga
mag-aaral at mga guro.
- 30 -
No comments:
Post a Comment