Tuesday, April 19, 2016

NANG PINAKAIN NG MGA BALA ANG MGA HUMINGI NG PAGKAIN

Muli ay naging saksi ang bansa sa bangis ng mga bala. Ilang mga magsasaka sa Lalawigan ng Cotabato ang nagpoprotesta para mai-release lamang ang calamity fund na ipinangako sa kanila ng pamahalaan dahil sa ilang buwang tagtuyot sa lalwigan, ngunit imbes na maipa-release ang pondo para may makain ang mga pamilya ng mga magsasaka, pinaulanan sila ng mga nagbabagang bala.

Sino ba naman ang gustong manghingi? Wala po, dahil nakakababa ng dignidad ang panghihingi. Ngunit may kalamidad po at mismong ang pamahalaan na ang nagdeklara na may kalamidad nga sa Cotabato, at kasunod ng deklarasyon na iyon ay inaasahan na ang tulong mula sa pamahalaan. Ngunit hindi dumarating ang tulong, hindi isang araw, hindi isang linggong paghihintay, hindi isang buwang paghihintay, kundi tatlong buwan na po. Kung ano ang ipinakain ng mga magsasaka sa kanilang mga pamilya sa loob ng tatlong buwan ay isang palaisipan na.

Sino ba naman sa atin ang matitiis ang sariling pamilya na magutom? Wala po, kaya naman nagsama-sama ang mga magsasaka at idiniin na kailangan na nila ang tulong mula sa pamahalaan, ng sarili nilang pamahalaan na sila naman ang may gawa para sa kanila, ngunit imbes na ang hinihinging pagkain at pondo ang dumating, ang rumagasa po ay mga bala. Imbes na tuwa po ang bumaha, ang bumaha po ay dugo ng mga magsasaka.

Nang ang Panginoong si Hesus ay napako sa krus noon sa Kalbaryo, Siya ay humingi ng tubig, ngunit suka po ang ibinigay sa Kanya. Kaya nauunawaan ng Panginoon ang dinaranas ng mga magsasakang iyon na pinaulanan ng bala imbis na tinapay na sila naman mismo din ang nagbigay sa pamahalaan upang ibalik sa kanila sa oras ng pangangailangan katulad nga nitong panahon ng tagtuyot sa Cotabato.

Hindi nalalaman ng mga pulis na iyon ang kanilang ginagawa nang pagbabarilin nila ang mga magsasaka. Hindi nila nakilala na ang mga magsasakang iyon ang syang nagpapasweldo sa kanila at nagpapakain sa kanilang mga pamilya.

Marahil ganun nga kalupit ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino, marahil ganun kalupit ang maging mahirap na Pilipino. Pagkain ang hinihingi mo ngunit bala ang isinukli sa iyo.

Dalawa ang namatay sa mga magsasaka at kung ilang dosena ang nasugatan ng mga punglo mula sa mga pulis na sila ang nagpapasweldo.

Kung kalian mawawala ang kagutuman sa PIlipinas ay hindi natin alam. Kung kalian magiging mabuti ang Pilipino sa kapwa Pilipino ay hindi natin alam. Kung kalian tunay na maiaangat ang mga buhay ng mga mahihirap na mga Pilipino ng pamahalaang nilikha nila para sa kanila ay hindi natin alam.

Ang sinabi ng Panginoon noon, “Bigyan ang humihingi.”

Walang gustong humingi, kaya humingi ay dahil matindi ang pangangailangan, itinulak lamang sila ng pangangailangan at pagkakataon kung kaya’t nanghihingi.