Sunday, March 6, 2016

HINDI INUTIL SI MAR ROXAS (Pasintabi kay Ginoong Mat Vicencio na may akda ng isang katulad nito)


Hindi po isang inutil si Ginoong Mar Roxas. Nakita naman natin sa mga performance ni Roxas sa DOTC, DILG at sa istratehiya niya sa matinding krisis na dala ng bagyong Yolanda noon, na hindi inutil ang dating DILG secretary. Para sa mga bumabatikos sa kanya, hindi din naman napaka-klaro na ang babaunin niya sa Malakanyang ay ang kultura ng pagsasawalang-bahala, kagutuman ng milyon-milyong mamamayan at kamatayan ng maraming mamamayan.

Hindi po totoong walang loyalty si Ginoong Roxas, kahit pa nga nagsilbi siya bilang miyembro ng gabinete sa ilalim ng tatlong pangulo ng bansa.

Hindi po totoong may kinalaman si Ginoong Roxas sa paglalagay sa isang HRM graduate sa isang ahensiya ng pamahalaan at may kinalaman siya sa pagkakaroon ng nasabing appointee ng may pinakamalaking take-home pay na milyon-milyong piso, kaya hindi din po totoong magkakaroon ng kroniyismo sakaling maging pangulo si Roxas ng Republika.

Hindi po totoong hindi de-kalidad na lider si Roxas. Hindi po totoong wala syang talinong katulad ni Ginoong Ferdinand Marcos dahil nagtapos naman po siya sa Wharton, hindi po totoong wala syang angking leadership na katulad ni Ginoong Fidel V. Ramos dahil hindi naman po niya kagustuhang ma-bypass sa Mamasapano kung saan naipakita sana niya ang kanyang kagalingan bilang lider, hindi din po totoong wala syang angking kabanalan na katulad ni Ginang Cory Aquino dahil pala-simba naman po siya, hindi din po totoong wala syang popularidad na katulad ng kay Ginoong Joseph Estrada dahil naging Mr. Palengke naman po siya. Hindi po totoong  wala syang establisadong pangdaigdigang sopistikasyon sa kasanayan at talino sa pagpapatakbo ng ekonomiya na katulad ng nasumpungan kay Ginang Gloria Macapagal-Arroyo dahil nakapagtrabaho naman po siya sa isang financial institution sa ibayong dagat.

Kaya hindi po totoong lahat ng akusasyon na wala sa kanya ang antas ng mga kalidad na mayroon ang mga nakaraang naging pangulo ng bansa. Si Roxas ay matiisin, na kahit na ikinatalo niya ng bongga ang pag-kampanyang “Noy-Bi” ng mga kamag-anakan ng pangulo noong 2010 ay walang nadinig mula sa kanya, o isang insulto sa kanya ang pag-bypass sa kanya sa Mamasapano Operation ay nanatiling nagpakumbaba siya sa pangulo. Si Roxas ay may  pagnanais na makadaupang-bayan ang taumbayan kahit pa nga nagbunga ng pagkutya sa kanya sa social media ang ginawa nyang pag-ta-traffic sa Commonwealth Ave., pag-salok ng tubig, pagpako ng upuang pampaaralan at pagbuhat ng sako ng bigas.

Hindi totoong inutil at walang alam si Roxas kahit pa nga pamali-mali siya kanyang mga datos sa Yolanda, sa MRT, sa brownout, lumad killing at kriminalidad sa bansa dahil puro po ambush interview ang mga iyon kung kaya’t wala lamang syang sapat na panahon upang makapaghanda ng sasabihin sa media. Hindi po totoong walang iniwang kamangha-manghang katuparan si Ginoong Roxas sa lahat ng departamentong kanyang pinaglingkuran, sa DTI man, o sa DOTC o sa DILG. Maaaring hindi lamang po natin naaalala.

Hindi po talaga totoong inutil si Ginoong Roxas, hindi po totoong kagagawan niya ang kapalpakan at mga aberya sa MRT. Hindi po natin dapat hinuhusgahan ang galing ni Roxas na mula sa kilalang angkan ng mga pulitiko. Hindi po lamang pinag-iigting ng taumbayan ang pagbanaag ng mga pwedeng asahan sa kanya ng bansa sakaling siya nga ang maging pangulo. Hindi po talaga manhid si Ginoong Roxas sa dinaranas na hirap ng buong bansa, kaya nga sinabi na din niya sa isang debateng pagka-panguluhan na ipadaranas niya sa 80 milyong Pilipino ang rangya na kinalakihan niya.


Saturday, March 5, 2016

KAHIRAPAN SUGPUIN





Pangunahing dapat tutukin ng mga aplikanteng pagka-pangulo ang kahirapan ng higit sa 50 milyong Pilipino.

Dahil sa kahirapan dumurugtong na din dyan ang kamangmangan at kriminalidad.. Marami sa ating mga kababayan ang naitutulak sa paggawa ng n]masama dahil sa kagutuman at kagustuhang makatakas sa sakmal ng kahirapan.

Sa isang survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumobo ang bilang ng mga Pilipinong nakaranas ng paghihirap sa buhay taong 2014. Mula 24.6% noong unang kalahati ng taong 2013 ay tumaas ang bilang ng mga pamilyang nakaranas ng matinding pagdarahop sa 25.8% noong unang kalahati ng taong 2014.

Ayon sa PSA, ito ay bunga ng pagtaas ng presyo ng pagkain at epekto pa din ng mga kalamidad.

Higit sa 12 milyong pamilya ang sumasala sa pagkain, pano pa nating maaasahang makapag-aaral ang mga anak sa mga pamilyang ‘yan?

Hindi ito malayo sa survey naman ng Social Weather Stations na nagsasabing nasa 53 milyong mga Pilipino ang malubha ang nararanasang paghihirap dahil sa kakulangan o kawalan ng kita.

Sobrang dami ng ipinapangako ng mga kandidato nitong darating na eleksyon, dapat pangunahin nilang bigyan ng kaukulang istratehiya ang kahirapan at ito ang ilahad nila sa mamamayan.